|
PAGGAMIT NG WIKANG FILIPINO SA LAHAT NG ARALIN ISINUSULONG NI KABAYAN
August 17, 2002
Sa pagdiriwang ng buwan ng wika, hinikayat ni Senator Noli "Kabayan" De Castro ang lahat na gunitain ang tunay na kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling wika ng ating bansa.
Gaya ng kasabihan, nasusukat ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng isang bansa sa pagkakaroon nito ng isang tunay na wikang pambansa.
Kaalinsabay nito, inihain ni Senador de Castro ang panukalang batas bilang 397 na naglalayong palakasin ang pambansang wikang Filipino sa pamamagitan ng paggamit nito sa lahat ng aralin, maliban sa araling English, mula pa lamang sa ikaapat na baitang ng elementarya hanggang sa ika-apat na taon ng mataas na paaralan..
Layon ko dito na masanay sa pambansang wika ang ating mga kababayan sa lahat ng dako ng bansa tulad ng kanilang pagiging sanay sa lokal na wikang ginagamit o dialect. Huwag nating hayaan na maging mas sanay pa tayo, lalo na ang mga kabataan, sa banyagang wika higit sa ating sariling wika.
Ayon sa panukala ni De Castro, nararapat rin na magkaroon ng isang kaakibat na wika o auxiliary official language na siyang gagamitin mula unang baitang ng elementarya hanggang ikatlong baitang, maliban sa araling Filipino. Layunin nito na punan ang pambansang wika.
Sa buwan ng wika, mariin nating kilalanin ang obligasyong palawigin at pagtibayin ang ating pambansang wika. Ang paglinang sa ating wika ay alinsunod sa ating Saligang Batas. Ipagpatuloy natin at isakatuparan ang pangarap at hangad ng Ama ng Wikang Pambansa na si Pangulong Manuel L. Quezon.
home | Press Release main page |
|