Kabayan Noli De Castro
Press Release
Speeches
Photo Gallery
Back to home page


Speeches



SOCIAL SERVICES

APO INDUCTION CEREMONY, July 08, 2005


Ipinaabot ko ang aking mainit na pagbati sa mga pinuno at miyembro ng Alpha Phi Omega International Philippines, lalung-lalu na sa katatapos lang manumpa na National Officers ng Development Year 2005-2007.

Bagama’t ako’y hindi naging miyembro ng apo fraternity, ako naman ay kaisa ninyo sa inyong mga pangunahing prinsipyo ng pamumuno, pakikipag-kapwa, at paglilingkod. Kaya naman hindi ako nagdalawang-isip na tanggapin ang inyong imbitasyon upang maging inducting officer ngayong gabi. Naniniwala akong makakasama ko kayo sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino, miyembro man sila ng APO o hindi.

Serbisyo, Hindi Pulitika

Talagang naaangkop sa sitwasyon ng ating bansa ang tema ng inyong induction ceremony—“APO Cares, APO Shares.” Ngayon higit pa man kailangan natin ang mga taong handang magmalasakit at makibahagi sa paghahanap ng solusyon sa ating mga problema.

Lahat tayo marahil ay naguguluhan na sa mga balita nitong mga nakaraang araw. bagama’t alam ng lahat na ako ay hindi tradisyonal na pulitiko, Ako man ay pilit na iniintriga at sinusulsulang makisali sa awayang pulitikal. At maraming beses akong tumangging magsalita—hindi dahil nagdududa ako sa aking paninindigan, kundi dahil naniniwala akong mas makakabuti sa bayan kung tahimik lang akong magtatrabaho bilang bise presidente, chairman ng hudcc, at team player sa gabinete.

Tumakbo ako bilang Bise Presidente dahil gusto kong maglingkod, at hindi dahil gusto ko ng mas mataas na puwesto. gayunpaman, handa akong harapin at gampanan, anumang oras, ang aking responsibilidad sa ilalim ng ating saligang-batas.

Sa nangyayari ngayon, lubos akong nalulungkot dahil habang lumalalim ang krisis pulitikal, patuloy din ang pagbagsak ng ating ekonomiya.

Paghahanap ng Solusyon

Paano ba tayo magsisimulang umahon sa kinasasadlakan natin?

Unang-una, kailangan nating ipagpatuloy ang paghahanap sa buong katotohanan tungkol sa mga maiinit na usapin ngayon. ang hiling ko lamang ay huwag sanang malimitahan sa pagbatikos at paninisi ang paghahanap sa katotohanan. sa halip, suriin na rin natin ang buong sistemang pulitikal at istrukturang pang-ekonomiya ng ating bansa.

Ikalawa, buhayin natin ang diwa ng ating demokrasya. Isang konkretong aksiyon ang panawagan sa malalimang pagrebisa sa sistema ng eleksyon. kailangang ibalik ang tiwala ng mga tao sa kakayahan ng COMELEC na itaguyod ang isang tapat, maayos, at tahimik na halalan.

ikatlo, anumang pagbabago ay gawin natin nang naaayon sa konstitusyon. huwag nating bale-walain ang mga institusyong itinatag batay dito. kung kailangan, isulong natin sa lalong madaling panahon ang isang constitutional convention upang matugunan ang mga kahinaan ng ating sistemang pulitikal. nais kong ipaalala na walang maidudulot na kabutihan ang anumang pagkilos kung ito ay labas sa konstitusyon at labag sa batas.

at ika-apat, sama-sama nating isulong ang mga repormang ginagawa na ng pamahalaan, lalung-laluna yung mga naaayon sa prinsipyo ng poverty alleviation, global competitiveness, at good governance. Huwag nating kalimutan na bagama’t may krisis-pulitikal ngayon, merong mas malalaking pagsubok na dapat harapin: ang lumalalang kahirapan, ang tumitinding kompetisyon sa pandaigdigang merkado, at ang lumalakas na panawagan para sa isang gobyernong malinis, bukas, at tapat sa taong-bayan.

panawagan para sa kinabukasan

Mga kaibigan, iparinig natin ang tinig ng mga ordinaryong tao, ang tinig na nananawagan sa ating mga lider na isa-isangtabi ang pansariling interes at ang pag-aagam-agam, harapin ang katotohanan, at unahin ang kapakanan ng bansa.

muli nating buuin ang nagkakawatak-watak nating mamamayan. pasiglahin natin ang pagmamalasakit at pagtutulungan ng bawa’t pilipino, simula sa inyong fraternity. sabi nga ninyo, “apo cares, apo shares.”

Bilang mga miyembro ng APO, malaki ang inyong maitutulong sa pagpapalakas ng demokrasya, sa pagtatanggol sa konstitusyon, at sa paghubog ng mga mamamayang maninindigan para sa katotohanan at magtatrabaho para sa kaunlaran.

mga kaibigan, bilang inyong bise presidente at chairman ng hudcc, masigasig akong magtatrabaho at gagampanan ang aking tungkulin. at bilang isang halal ng bayan, ako naman ay umaasa din sa inyong patuloy na tulong at suporta, ngayon at sa hinaharap.

Muli ko kayong binabati sa inyong induction ceremony. Congratulations! Mabuhay ang APO! Mabuhay ang Pilipinas! Magandang gabi sa inyong lahat.


home   |   Speeches main page   |   back-to-top