Kabayan Noli De Castro
Press Release
Speeches
Photo Gallery
Back to home page


Speeches



QUALITY EDUCATION AND JOB OPPORTUNITIES FOR ALL

3rd MAAP Commencement Exercises - MAAP-Kamaya Point, Mariveles, Bataan, July 15, 2005


Magandang umaga sa inyong lahat.


Ikinagagalak kong makasama kayo sa inyong Commencement Exercise dito sa Maritime Academy of Asia and the Pacific o MAAP. Binabati ko ang isang-daan at apatnapu’t-isang (141) miyembro ng Class of 2005 na nagtapos ngayong araw. Nagbunga na ang inyong pagsisikap at sigurado kong naghihintay na sa inyo ang trabaho mula sa mga shipping companies. Palagay ko, masayang-masaya ang inyong mga pamilya, lalung-laluna ang inyong mga magulang, dahil sa inyong tagumpay.


World-Class na Institusyon


Masuwerte nga kayo. Marami sa ating mga kababayan ang hindi man lang nagkaroon ng pagkakataong pumasok sa eskuwelahan. At kung makapasok man ay hindi rin nakakapagtapos. Nguni’t kayo ay nakapag-aral at nagtapos sa isang magaling na institusyon na tulad ng maap.


Kahanga-hanga ang narating ng MAAP sa loob lamang ng humigit-kumulang pitong taon. Sabi nga ng isang mission ng European Union noong 2000, ang inyong academy ay “one of the best-equipped schools in the world.” At hindi lang yan, meron na rin kayong certification ng ISO, na nagpapatunay sa kakayahan ng inyong mga pinuno at tagapamahala.


Malayo na nga ang narating ninyo. Nagkaroon na ng hugis ang mga pangarap ni Captain Gregorio Oca para sa mga seafarers. Ngayon ay kayo na ang nangunguna sa pagsasanay ng mga mandaragat hindi lang para sa mga shipping companies sa Pilipinas kundi para sa ibang bansa na rin.


Ang Tradisyong Mandaragat


Hindi naman nakakapagtaka na ituring tayong mga Pilipino bilang magagaling na seafarers.


meron tayong mahigit tatlong-libong isla. At simula pa noong panahon ng ating mga ninuno, itinuring na natin ang karagatan bilang tulay sa pakikipag-ugnayan sa mga kapit-isla. Kaibigan natin ang dagat, at ito ang naging daan upang buuin ang mga hiwa-hiwalay na barangay bilang isang bansa.


Nakakalungkot at dumating ang panahon na merong mga shipping companies ang nagdududa sa kakayahan ng mga Pilipinong mandaragat. Marahil ay nagkaroon sila ng di-magandang karanasan sa ilang Pilipino na walang tamang motibasyon, o kaya’y kulang sa kakayahan.


Mabuti na lang at ngayon ay meron nang training institutions, tulad ng MAAP, na makakapagbago sa imaheng ito.


Suporta sa Seafarers


Subali’t ang tamang training ay isa lang sa mga hakbang upang higit na mapaunlad ang buhay ng mga Pilipinong mandaragat.


Alam ko na kayong mga seafarers ay meron ding mga usapin na dapat mabigyang pansin ng gobyerno. Kasama na rito ang katiyakan sa trabaho, sapat na sahod, kaligtasan sa paglalayag, at ang pagsusulong ng International Seafarers Bill of Rights.


Ipagbibigay-alam ko sa mga kinauukulang ahensiya ang inyong mga mungkahi upang higit na matugunan ang pangangailangan ng mga mandaragat.


Nais ko ring kilalanin ang papel na ginagampanan ng Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines sa pagsusulong ng interes ng mga Pilipinong seafarers. Ipagpatuloy ninyo ang pakikipag-kapit-bisig sa pamahalaan upang makahanap tayo ng solusyon sa inyong mga problema. May krisis man o wala, kaming mga nasa gobyerno ay patuloy na maglilingkod sa inyo.


Ang Kalutasan ng Krisis


Kamakalawa lamang ay nabalitaan ninyo marahil ang malaking rally ng oposisyon sa makati. Iginagalang ko ang karapatan ng mga mamamayan na ipahayag ang kanilang damdamin at ito naman ay pinoprotektahan din ng ating Konstitusyon.


Subali’t nababahala rin ako sa problemang naidudulot sa ekonomiya ng sitwasyon natin ngayon. Sunud-sunod na ang pagbaba ng international credit rating natin, kaya’t pati ang stock market ay apektado na. Samantala, nandyan pa rin ang banta ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hindi man gustuhin ng administrasyon o ng oposisyon, ang naapektuhan sa kasalukuyang krisis ay ang mga ordinaryong Pilipino at ang mga mahihirap.


Kaya naman bilang Bise Presidente at bilang miyembro ng gabinete, higit kong pinag-iibayo ang aking pagtatrabaho para sa mga mamamayan. Pumasok po ako sa gobyerno dahil gusto kong magserbisyo. Sana naman ay hindi maging sagabal ang pulitika sa hangarin kong maglingkod.


Responsibilidad ng Bawat Isa


Mga KABABAYAN, ang kailangan natin ngayon ay mga Pilipinong handang magtiwalang muli—sa mga namumuno, sa ating mga institusyon, sa kinabukasan, at sa ating mga sarili.


Kailangan natin ng mga Pilipinong handang magsakripisyo para sa kapakanan ng iba.


Kailangang mabuong muli ang sambayanan, upang sama-sama nating harapin ang mga darating na pagsubok.


Para sa Batch of 2005, at sa mga tagapamahala sa MAAP, samahan po ninyo ako sa panawagang ito para sa pagkakaisa at pagtitiwala.


Tanggapin ninyong muli ang aking malugod na pagbati. Congratulations at mabuhay tayong lahat!


home   |   Speeches main page   |   back-to-top