|
TOURISM, YOUTH CONCERNS, LOCAL GOVERNMENT
Freedom Plaza, Marikina City Hall, 24 February 2003, 8:00 am
"Kagalang-galang na Mayor Marides Fernando, na nagdiwang ng kanyang kaarawan kamakailan, Vice-Mayor Marion Andres, mga opisyales at mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Marikina City, magandang umaga sa inyong lahat! Ako ho ay nagagalak sa pagkakataong binigay ninyo sa akin upang kayo ay makadaupang-palad at makasama sa umagang ito.
Gaya ng marami nating mga kababayan, isa ho ako sa maraming tagahanga ng mag-asawang BF at MCF (Bayani at Ma. Lourdes Fernando). Sa kanilang pamamahala, ang Marikina ay naging first-class municipality at ngayon ay isa na sa pinakamaunlad sa lungsod ng Metro Manila. Sila ang tunay na nagsumikap upang pagandahin ang Marikina. Gaya ng sabi sa isang alamat tungkol sa pinanggalingan ng pangalang Marikina, ang inyong lungsod ay “Marikit-na”.
Sino ang mag-aakalang ang Marikina na dati’y kilala lamang sa paggawa ng sapatos, ay magiging tanyag din sa pagiging pinakamalinis, pinakamaayos, at pinakatahimik na lungsod ng Metro Manila?
Ang lahat ng ito ay produkto ng sipag, talino, at determinasyon ni Secretary Bayani Fernando na pinagpapatuloy ngayon ng kanyang butihing asawa.
Napag-alaman ko sa aking pag-aaral na minsan sa ating kasaysayan, ang Marikina ay tinanghal na kapital ng Manila ni Don Ambrocio Flores nang siya ay itinalaga ni Emilio Aguinaldo bilang gobernador ng Morong at Manila. Sa madaling salita, lampas isang siglo nang nakakaraan ay nakitaan na ang Marikina ng potensyal na maging pangunahing lugar ng ating bansa. Ang potensyal na ito ay binigyang katuparan ng dating Mayor Bayani Fernando simula ng siya ay maluklok bilang Mayor noong 1992.
Tunay na nagsisilbing liwanag ang Marikina sa Metro Manila. At dahil sa tagumpay ni Mayor Fernando sa Marikina, walang rason upang magtamad-tamaran ang mga Mayor ng mga karatig lungsod ng Marikina. Kung hindi pa sila aaksiyon, sigurado ako na mapag-iiwanan sila ng inyong lungsod sa pamumuno ni Mayor Marides Fernando.
Mula ng ipagawa ni Don Laureano Guevara, o mas kilala bilang Kapitan Moy, ang pinakaunang sapatos na gawang Marikina, milyon milyon na ang napaligaya ng mga mahuhusay na sapatero ng inyong lungsod. Sa malaking bahagi ng nakaraang siglo, ang bayan ng Marikina ang pinakamalaking supplier ng mga de kalidad na sapatos at iba pang leather products sa ating bansa.
Sa katunayan, noong dekada setenta, ang mga sapatos at bags pang babae na gawa sa Marikina pinagkaguluhan sa Fifth Avenue ng New York City. Sa panahong iyon, kinilala ng mga pinaka mahusay sa fashion industry ang kagalingang ng mga Marikeños. At hanggang ngayon, kahit na alam kong maraming pinagdadaanang hirap ang industrya ng sapatos, patuloy pa rin ang Marikina sa sisilbi sa sambayanang Pilipino.
Hindi lang minsan na tayo ay nagkasama. Bilang isang full-time broadcaster, maraming ulit ng na-feature ang bayan ng Marikina sa aking programang Magandang Gabi Bayan. Sa aking maliit na paraan ay naipahayag ko sa lahat ng ating mga kababayan ang mga magagandang balita mula sa Marikina.
Ngayon, bilang inyong Senador, alam ni Secretary Bayani Fernando at Mayor Marides Fernando na kaagapay ninyo pa rin ako sa lahat ng inyong mga proyekto na higit pang magpapaunlad sa Marikina. Umasa kayo na hindi magtitinag ang suporta ng inyong Kabayan magpakailanman.
Salamat at Magandang Umaga… Bayan!"
home | Speeches main page |
|