Kabayan Noli De Castro
Press Release
Speeches
Photo Gallery
Back to home page


Speeches



TOURISM, YOUTH CONCERNS, LOCAL GOVERNMENT

Barangay Night, San Fabian, Pangasinan, 19 January 2004, around 10:00 pm


"Sa mga kababayan kong Pangasinense, Masantos a Labi Ed Si Cayon Amin, Ya Kabalen Ko Diyad San Fabian. (Magandang Gabi sa inyong lahat na kababayan ko dito sa San Fabian).

Sa mga kababayan kong Ilocano, naimbag nga rabi-I yo amin nga umili ditoy San Fabian. (Magandang Gabi sa inyong lahat na kababayan ko dito sa San Fabian).

Kagalang-galang na Mayor Mojamito Libunao at Vice Mayor Leopoldo Manalo sampu ng inyong mga konsehales, mga magigiting nating mga Punong Barangay, at mga minamahal kong Pangasinense sa bayan ng San Fabian… Magandang Gabi…Bayan!

Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makasama kayo sa gabing ito.

Alam nyo mga kabayan, malapit sa puso ko ang Pangasinan dahil noong nakaraang eleksyon ay hindi ninyo ako pinabayaan. Sa kabuuang 920,000 voters, binigyan ninyo ako ng humigit 670,000 votes. Maraming salamat po!

At dahil ang gabing ito ay para sa barangay, nararapat lamang na ating bigyang parangal ang mga Barangay Captains na taos-puso ang pagsisilbi sa kanilang nasasakupan.

Ang barangay ay pangunahing sangay ng ating lipunan. Mahalaga ang ginagampanang bahagi ng mga Barangay Captains na bumubuo sa “Liga ng Mga Barangay”, sa pagsusulong sa mga isyu at pagresolba ng mga problema na kinakaharap ng ating mga ka-barrio. Kayo ang unang dinudulog ng ating mga ka-barrio sa kanilang hidwaan at di-pagkakaunawaan. Kayo rin at ang inyong barangay tanod ang nagpapanatili ng kapayapaan sa ating mga kalsada.

Sa kadahilanang ito, ako ay nagbibigay pugay sa inyong lahat at nangangako na saan man ako mapunta ay itataguyod ko ang kapakanan ng ating mga barangay.

Bilang isang Senador, nakapag-sumite ang inyong lingkod ng ilang mga panukalang batas para sa ikaaayos n gating mga barangay.

Ilan sa aking mga bills ay ang Senate Bill No. 2276 na nagbibigay ng dagdag benepisyo at insentibo sa lahat ng mga barangay tanod, gaya ng mandatory Christmas bonus, insurance coverage, free legal services kung kayo ay nakasuhan sa pagpapatupad ng inyong katungkulan, at scholarship grants a inyong mga anak sa kolehiyo at unibersidad.

Upang mapabuti ang transaksyon sa barangay hall at maiwasan ang batikos at anomalya, akin ding nai-file ang Senate Bill No. 2029 na naglalayong gawing transparent ang lahat ng transaction na inyong pinapasok sa pamamagitan ng pagpo-post sa barangay hall ng lahat ng mga financial transactions ng barangay.

Ngunit hindi natatapos ang aking pagmamalasakit sa barangay sa Senado. Dadalhin natin ang laban ng barangay saan man tayo mapadpad sa Hunyo 2004.

Una ay pinapanukala ko ang pagtataas sa sweldo ng bawat barangay official. Panahon na upang gawing professional-level ang pasweldo sa barangay bilang pagkilala sa mahabang panahon ng kabayanihan ng mga barangay officials.

Pangalawa, minumungkahi ko ang dagdag na budget sa bawat barangay upang higit ninyong matugunan ang problema ng inyong komunidad.

Ipaglalaban ko din ang pagpapatayo ng maaayos at kumpletong elementary schools sa bawat barangay upang hindi na kailangan mag-biyahe ang ating mga anak na malayo upang makapagaral. Nabalitaan ko kasi na marami pa rin sa ating mga barangay ang walang elementarya. Ang ilan ay may eskuwelhan nga ngunit salat sa kagamitan, libro, at mahahalagang pasilidad. Problema na natin yan kahit noong mag-aaral pa ako sa aming bayan sa Pola, Oriental Mindoro. Hanggang ngayon, problema pa rin ito. Hindi dapat maging balakid ang kawalan ng sapat na pera ng gubyerno upang magkaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon ang ating mga anak.

Hindi na po ako magtatagal dahil lumalalim na ang gabi. Masaya po akong makadaupang palad kayong lahat. Nawa’y magpatuloy ang ating magandang pagsasamahan.

Balbaleg ya salamat ed sikayon amin! (Maraming salamat sa inyong lahat!)

Masantos a labi… Bal-lei!"


home   |   Speeches main page   |   back-to-top