Kabayan Noli De Castro
Press Release
Speeches
Photo Gallery
Back to home page


Speeches



QUALITY EDUCATION AND JOB OPPORTUNITIES FOR ALL

10 March 2002, Siocon, Zamboanga del Norte


"Mga kaiksuunan kong Bisaya, nalipay ko na makauban kamo. (Mga kabayan kong Bisaya, ako ay nagagalak na kayo ay makasama ngayon)

Pa mga taymanghod Tausog, magsukol ako pa Tuhan sin wakto ini kita nyo nagtaiban iban naghahambook. Assalamu Alaikom warah Rah mattallahi wa Barakatoh. (Sa mga kapatid kong Tausog, nagpapasalamat ako sa Tuhan/Allah para sa oras na ito upang tayo ay magkasama at magkaisa. Nawa’y ang kapayapaan at pagpapala ni Allah ay sumainyo).

Sa mga pakat ko a mga Maguindanaon, na padsakawn ko sakano pon kanu pusong ko. Talus a panganen tanu sa lakanin a Allah so kadtagumpiya tanu pon sa saguna banta taman kanu mawma a mga gay. Assalamu alaikom warah Rah mattallahi wa Barakatoh. (Para sa mga kaibigan kong Maguindanaon, binabati ko kayo ng taos-puso, at tuloy tayong humihingi kay Allah ng tagumpay mula ngayon hanggang sa mga araw pang dadating. Nawa’y ang kapayapaan at pagpapala ni Allah ay sumainyo).

Mi ermano y ermana Chavacanos, muy buenas dias con ustedes. Iyo man nu puede explica el alegria ta sinti yo, ara tan huntu kita. (Mga kaibigan kong Chavacano, Magandang araw sa inyo. Nagagalak ako na kayo ay makapiling).

Kagalang-galang na Gubernador Isagani Amatong, ang ating batang-batang Mayor ng Siocon na si Ceasar Soriano, mga kalahok na mag-aaral sa Palarong Panrehiyon, mga panauhin at minamahal kong mga kababayan ng Region 9, nagpapasalamat ako sa pagkakataong makasama ang mga minamahal kong kapatid sa Mindanao. Alam nyo mga kabayan, malapit sa puso ko ang Mindanao, hindi lamang dahil taga rito ang aking pinakamamahal at nag-iisang maybahay, ang Mindanao din ay nagbigay sa akin ng malaking kalamangan noong nakaraan Senatorial elections.

Nakakatuwang pagmasdan ang mga kabataan ng inyong rehiyon na nagsasama-sama para sa isang patas na paligsahan ng lakas at talino. Mula dito sa aking kinatatayuan, nasisiyahan akong pagmasdan na magkakasama ang mga magkakatunggali sa iba’t ibang sports events ng Palarong Panrehiyon.

At dahil lahat kayo ay nagsipagwagi na sa inyong mga probinsya bago pa man kayo lumahok sa Palaro ng nagdaang linggo, panalo man o talo, lahat kayo ay champions sa akin.

Tuwing ako ay kapiling ng mga kabataan, nakakalimutan ko ang aking mga problema. Kayo ang nagpapaalala sa akin ng aking lumipas na kamusmusan. Ang inyong ideyalismo ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang magampanan ko ng tuwid ang aking tungkulin bilang isang epektibong Senador. Ang mga kabataan din ang nagtutulak sa akin na ipagpatuloy ang aking layuning mabigyan ang ating bayan, sa abot ng aking makakaya, ng magandang kinabukasan.

Mahalagang bahagi ng ating kalinangan at kasaysayan ang sports. Sa kasalukuyan na kabilaan ang awayan at di-pagkakaunawaan sa loob at labas ng pulitika, napapanahon ang ganitong klase ng mapayapang paligsahan.

Sa sports, lahat ay pantay-pantay, walang mayaman, walang mahirap. patas ang katayuan ng lahat at sinuman na determinado, may lakas ng loob at may malusog na pangangatawan, ay maaaring magwagi.

Sa sports din natututunan ng ating mga kabataan ang kahalagahan ng values of honesty, perseverance, self-determination at humility. These are the values that the young generation can capitalize on, in your quest for success in life. These are the same values that will truly make you the hope of our nation as envisioned by our national hero, Jose Rizal, na gaya ninyo ay isa ring sportsman nung kanyang kabataan sa larangan ng Fencing.

Ang sabi nga sa wikang ingles, the youth of the nation are the trustees of posterity and the beneficiaries of today’s work.

Noong aking kabataan, pinangarap ko rin ang makalahok sa mga paligsahan na tulad nito. Ginusto ko din na maging tanyag gaya nila Gabriel “Flash” Elorde, Atoy Co at Sen. Robert Jaworski. Kung nabiyayaan lang sana ako ng higit na height, sigurado akong mas magaling sana akong mag- basketball kay Sen. Jaworski. ngunit Bagaman ganito lang ang aking tangkad, nagpapasalamat pa rin ako sa ating Diyos na hindi ko kasing-tangkad ang aking kaibigang si Sen. Juan Flavier.

Gaya ko, marami sa mga kabataan natin ngayon ang inaasam na maging kampeon katulad ninyo. Sigurado ako na naguumapaw sa kasiyahan at pagmamalaki ang inyong mga magulang at mga kaprobinsya. Maging ako ay nagpupugay sa inyong partisipasyon sa palarong ito.

Marami sa ating mga atleta ang nanggaling sa Palarong Pambansa. Nandiyan sila Lydia de Vega, Elma Muros, at Eric Buhain. At tulad nyo, sila rin ay nagmula sa kabataan, nangarap maging kampeon sa kani-kanila sports, at nagtagumpay na makamit ang kanilang hinahangad. Sila ay magandang ihemplo ng isang kabataang Pilipino.

Naniniwala ako na gaya nila, kayo rin ay magtatagumpay sa anu mang propesyon na inyong papasukin dahil ngayon pa lang ay taglay na ninyo ang mga katangian ng tunay na kampeon.

Marami ang nagsasabi na ang pulitika ay parang sports. Sa parehong larangan, nananalo ang handa at marunong sa strategy, natatalo naman ang kulang sa preparasyon at pagpaplano. In fact, ang basic principles ng sports na honesty at fairplay ang modelo ng ating electoral system.

Ngunit sa pagdaan ng panahon, napapasama ang imahe ng pulitika sa mata ng mga kabataan dahil sa ilang mga pulitiko na gagawin ang lahat, maging ang di-wasto, makamit lamang ang kapangyarihan.

Tunay na nakakalungkot ang pangyayarihang ito ngunit hindi naman lahat ng nasa pulitika ay ganito. Naniniwala ako na marami pa rin kaming nasa gubyerno, gaya nila Governor Amatong at Mayor Soriano, na malinis ang pangalan at buo ang integridad. Kumbaga sa sports, we played by the rules of the game.

Lahat kayo na lalahok sa Palarong Panrehiyon ng Region 9 ay pawang mga kampeon sa inyong mga probinsya. Papuri at pagpugay ang iniaabot ko sa inyo.

Mga kabataan, hinihikayat ko kayong gamitin ang karanasan ninyo sa Palarong ito bilang inspirasyon sa pagtahak ninyo sa landas ng buhay. Magaral kayong mahusay, wag kayong tumigil hangga`t hindi ninyo nakakamit ang inyong mga ambisyon.

Mga kabataan, ipagpatuloy ninyo ang managinip. tulad ng sports, sa panaginip lahat ay pantay-pantay, kaya ang payo ko, Dream big. wag kalilimutang magdasal sa ating maykapal o kay allah para sa kanyang pagpapala at patnubay. pagsikapan ninyong makamit ang inyong ambisyon. at sa inyong tagumapay, tatanghalin kayong tunay na kampeon sa mahirap at masalimuut na paligsahan ng buhay.

Muli, congratulations sa inyong partisipasyon sa 2002 Western mindanao regional athletic meet at good luck sa inyong lahat.

Mabuhay ang kabataang pilipino. mabuhay ang mindanao."


home   |   Speeches main page   |   back-to-top